March 22, 2016

Pagpili ng Pangulo? Parang pigsa lang ‘yan!


Paano mo pagagalingin ang pigsa mo sa puwet? Meron kang apat na pagpipilian: Binay, Roxas, Poe, at Duterte.


Kunwari, may nagkatagyawat ka sa puwet. Hindi mo ‘to iniinda no’ng una kasi maliit lang naman. Kamo, intay-intay lang at gagaling rin ‘yan. Kaya lang, isang linggo ang lumipas at halos kasinlaki na ‘to ng holen. Hindi ka makaupo, makatayo, makalakad, makahiga. Dedma na sa AlDub at KathNiel. Sa sobrang hapdi, halos sa pigsa mo na lang umiikot ang mundo mo.

Ang pagpili ng pangulo ay parang pagpapagaling ng pigsa. Noong una, tagyawat lang kaya wala kang pakialam kasi akala mo mawawala rin pag lumipas, pero ngayong magang-maga na ito, anong gagawin mo?

Siyempre, e di gagamutin na.

Jejomar Binay

Si Binay, inaalok ka ng amoxicillin. Sisingkwenta pesos ang pera mo kaya nagtanong ka kung may generic. Kahit meron, sasabihin niyang wala, kaya’t napakamahal na branded ang ibebenta sa iyo.


Uuwi ka ng bahay at bubuksan ang pakete. Asang-asa ka na gagaling ka. Pero makikita mong kulang na ang laman, peke pa ang mga ito. Manggagalaiti ka.

Susugurin mo siya sa botika. Kaya lang, sasabihin niyang hindi mo sa kanya binili. Habang namimilipit ka sa hapdi sa sulok ng botika ni Binay, nakikita mo siyang nagbebenta pa ng gamot sa ibang may pigsa. Nganga ka na lang sa kapal ang mukha.

One month later, may pigsa ka pa rin. Nawalan ka na ng trabaho dahil lagi kang na-absent. Wala ka na ring jowa dahil naturn-off na sa ‘yo. Nawalan ka na rin ng tino sa pag-iisip dahil sa lahat ng ito.

One month later, kakatok siya sa pinto mo. Gusto kang bentahan uli.

Madidiskubre mo ring sa kanya ka pala nahawa ng pigsa.

Mar Roxas

Si Mar Roxas, aalukin ka naman ng mefenamic. Sisingkwenta pesos ang pera mo kaya nagtanong ka kung may generic para mura. Meron daw, kaya’t tuwang-tuwa ka, lalo na’t kumasya ang singkwenta para sa buong set ng gamot. Alam mong hindi gamot sa pigsa ang mefenamic, pero sabi ni Roxas, gagaling daw yan ng kusa, kaya’t pain killers lang ang kailangan mo.



Uuwi ka ng bahay at bubuksan ang pakete. Iinom ka ng isang tableta tapos mapapansin mong nawala na ang hapdi. Nakagagalaw ka na ng maayos. Kahit may bukol pa rin sa puwet mo, wala naman nang kirot.

Feeling mo, nasa langit ka na. Kaya lang, naubos ang buong banig ng mefenamic matapos ang ilang araw. Nag-umpisang kumirot muli ang pigsa.

Sabi nga ni Roxas e gagaling yan ng kusa, kaya pabalik-balik ka sa botika niya para bumili ng dagdag na mefenamic.

Tapos, sa susunod na balik mo, nadiskubre mo na lang na may botika sa kabilang barangay na mas mura pala ang benta. Kaya lang, hindi ka na makabili doon kasi wala ka nang pera. Kahit nga cellphone mo ay naisanla na dahil sa kakabili ng mefenamic.

Pero may pigsa ka pa rin. Magrereklamo ka sana kay Roxas, kaya lang, hindi ka makasingit. Napakadaldal kasi ng hinayupak. Tulad ng sa Mamasapano, wala daw siyang kinalaman diyan.

Pilit niyang pinagtatanggol ang supplier ng gamot. No matter what. Inawardan pa nga daw 'yon e.



Ten years later, gumaling ang pigsa mo. Nalaman ni Roxas ito at rumonda siya sa buong bayan, nagsusumigaw na siya daw ang nagpagaling sa iyo.

Grace Poe

Si Grace Poe ang kaibigan mong bibong-bibo.


 Tuwing nagkikita kayo, ang una niya laging linya ay “Did you know that the sun is the center of the Solar System? Moving around it are the planets. Our sun is a medium-sized star.”

Promil Kid ang peg.

Adik si ate sa Wikipedia, kaya’t nag-research siya nang bonggang-bongga tungkol sa pigsa. Alam na daw niyang gamutin ang higante mong pigsa. Tinulungan ka niyang i-treat ang pigsa gamit ang natutunan niya sa website. Warm compress daw muna tapos ‘pag di pa rin gumaling, pigain ng wagas.

Alam mong hindi doktor si Poe pero mukhang mabait naman. Itutuloy daw niya ang sinimulan ng tatay ng niya, kahit hindi rin ‘yon doktor. Kaya sige, kahit hindi ka sigurado kung tama ang ginagawa niyo, sumakay ka na lang. Sabagay, okey naman daw siya sabi ng kapitbahay mo.

Mukhang mabait nga kasi.



Hindi gumana ang warm compress, lumaki pa lalo ang pigsa. Sabi ni Poe, oras na para pigain, kaya’t kumuha siya ng kuwatro-kantos na bote para pampiga ng pigsa mo. Idiniin niya ang bote, pumutok ang pigsa, nawala ang sakit, naglangib.

Wow! mukhang gagaling naman pala. Chamba man o hindi, mukang gagaling na!

Paggising mo sumunod na araw, nangitim pala ang sugat mo. Naimpeksyon pala. Natetano ka yata.
Bumalik ka kay Poe, tapos nag-research na naman siya. Paikot-ikot ang paliwanag niya pero sige, pikit-mata ka paring sumang-ayon.Kesyo ganito’t ganyan daw ang gamot sa tetano.


Sabi mo na lang sarili mo, “Heto na naman tayo mga friends. Good luck na lang uli.”

Sabay dasal.

Tapos, malalaman mo na lang na ang bumili ng laptop at nagbabayad ng internet niya ay ang mortal mong kaaway.

Rody Duterte

Si Duterte ang masungit mong kaibigan.

No’ng sinabi mo sa kanyang may pigsa ka, binatukan ka niya agad. Sasabihin niya sa ‘yo, “P*tang i**, e bakit kasi ang tamad mong maligo?”

Alam mong tamad kang maligo, pero mahirap aminin. Nakakahiya e. Saka hirap na hirap ka na hapdi ng pigsa, hindi ba pwedeng gandahan naman niya ang pananalita? Sobrang #HARSH at #INTENSE ng lola mo, ang sakit sa #Feelings.



Tapos sasabihin niya,”Mister PigsaMan, my manner and diction is irrelevant to your quandary.”

May utak naman pala, palamura nga lang talaga. Pero aminado si Duterteng hindi niya alam paano gumamot ng pigsa. O Diyos ko, paano na?

Sabi ni Duterte, hindi man siya expert sa pigsa, alam niya kung paano ito pagagalingin. Kasi, marami daw siyang kaibigang taga-Davao City na nagkapigsa tulad mo.



Sabi niya, “Put*ng ina, umayos ka. Tara sa doktor, NOW na!”

Kasama si Duterte, pumunta kayo sa bayan. Habang nasa tricycle, magkauntog-untog ang pigsa mo sa puwet, ang sakit! Pagdating sa clinic, hiyang-hiya kang naghintay sa waiting lounge kasama ang sampung ibang may pigsa rin. Pagdapa mo sa operating table para i-drain ang pigsa, hiya-hiya ka na naman.

Sabihin na nating ito ang pinakanakahihiyang araw sa talambuhay mo.

Pero wala ka nang pigsa.

__________



Did you like this post? Help ThinkingPinoy.com stay up! Even as little as 50 pesos will be a great help!