Hindi si Mar Roxas ang “Father of Cheap Medicines”. Siya ang sumira sa batas na ito, na siya namang ikinamatay – at ikinamamatay – ng maraming Pilipino. Tara't ipapaliwanag ko sa inyo.
PAUNAWA: Para mas maintindihan ng mas nakakarami, napagpasyahan kong tagalugin ang article na ito. Maglalathala rin ako ng Ingles na bersyon mamaya-maya. Pagpasensiyahan niyo na po ang aking pagsulat dahil hindi po ako gaanong mahusay sa pagsusulat sa Tagalog.
Una, ang Aking Kwento
Isang araw noong 2010, biglang may mga nagsulputang ilang makikirot at makakating sugat sa kaliwang dibdib ko. Inisip kong baka mawala rin agad iyon matapos ang isa o dalawang araw kaya’t ipinagpaliban ko muna ang pagpapatingin sa mediko, lalo na’t alam kong hindi bababa sa isang libong piso ang gagastusin ko para sa isang dalaw lang sa clinic sa bayan namin. Nauubos kasi ang pera ko noon sa pagpapagawa ng bahay namin ng lola ko dahil malapit na ang tag-ulan at butas-butas na ang bubong.
Lumala lamang ang kondisyon ko. Napautang tuloy ako ng P 1,500 sa lola kong wala namang maayos na hanapbuhay para lamang makapagpatingin na ako sa wakas. Biglaan kasi ang pangangailangan at hindi na ito makapaghihintay ng susunod kong sahod.
![]() |
|
Sabi ng doktor, nagkaroon daw ako ng bugahin o kung tawagin sa Ingles ay shingles. Niresetahan ako ng Zovirax 200mg, iinumin ng limang beses sa loob ng pitong araw. Ito raw ang pinakamabisang gamot sa sakit ko.
Sabi ng doktor, itutuloy ko ng sampung araw ang pag-inom ng gamot sa halip na pitong araw lang kapag hindi pa tuluyang natuyo ang mga nana sa loob ng limang araw.
Siningil ako 300 pesos para sa konsultasyon. Nasa 110 pesos ang isang tableta ng Zovirax sa pharmacy doon sa clinic. Kahit 35 na piraso ang pinabibili sa akin sa doktor, sampung piraso lang ang kaya kong bilhin noon dahil nakalaan na ang P 100 ko para sa pang-tricyle pauwi.
Wala na talaga akong pera.
Binigyan ako ng sampung tabletang mula sa bote sa istante. Dahil nakalagay na lamang ito sa isang maliit na plastik, hindi ko na nakuhang matingnan pa kung ano ang generic name nito. Hindi ko na naitanong sa doktor ang generic name dahil hindi na tuwid ang pag-iisip ko noon. Maliban sa problema sa pera, hindi na ako makapag-isip dahil sa nakapamimilipit na hapdi ng braso at dibdib ko.
|
Pag-uwi ko sa bahay, hindi ko malaman kung saan ako kukuha ng karagdagang perang pambili ng gamot para tuluyang mapagaling ang sakit ko. Namimilipit na nga sa kirot at kati ng bugahin, hindi pa ako mapakali dahil hindi ko na alam kung saan ako lalapit para mangutang.
Wala na akong pagpipilian: umutang ako sa 5-6.
Nabili ko ang kulang na gamot, ininom ko ng tama, at gumaling ang sakit ko. Isang buwan ang nakalipas, binayaran ko ng 3600 pesos ang utang ko noong nakalipas na buwan na 3000 lang. Binayaran ko na rin ang lola ko dahil pambili niya ng binhi para sa bukid ang inutang kong 1,500. Dahil sa malaking gastusing ito, napilitan akong hindi kumain ng sapat sa loob ng isang linggo. Dumating rin ang tag-ulan nang may marami-rami pa ring butas ang bubong ko.
Buhay nga naman.
Sa kasamaang-palad, ang ganitong sistema sa pagrereseta at pagbebenta ng gamot ay hindi "unique" sa kaso ko. Ito ang kalakaran sa malaking bahagi ng bansa.
Mar Roxas, ang “Father of Cheaper Medicines”
Nadiskubre ko ngayong 2015 na isa pala sa mga pinagmamalaki ni dating Senador Manuel “Mar” Roxas ay ang pagpasa sa R.A. 9502 o mas kilala bilang “Cheaper Medicines Act of 2008.” Sabi ni Roxas, isa siya sa mga pangunahing nagtulak ng batas na ito para sa ikabubuti ng mahihirap na Pilipino. Layunin diumano ng batas na ito na pababain ang presyo ng mga gamot upang maging mas abot-kaya ang mga ito para sa masa. Tinagurian pa nga niya ang sarili niya bilang “Father of Cheaper Medicines”.
Napaisip tuloy ako. Ang bugahin o shingles ay isang pangkaraniwang sakit ng mga matatandang binulutong (chickenpox) noong bata pa, sapagkat ito’y dulot ng parehong virus. Tapos, kung may Cheaper Medicines Act na pala simula noong 2008, bakit napakamahal pa rin ng naging gamot ko noong 2010?
Naisipan ko tuloy na i-google ang Zovirax. Ito pala’y may generic name na Acyclovir/Aciclovir, na siya namang nabibili sa Generics Pharmacy sa halagang 7 pesos lang bawat tableta kahit noon pang 2010.
Sa halip pala na gumastos ako ng higit P 4,000 (P300 konsultayon at P3850 na Zovirax) sa konsultasyon at 35 na tableta ng Zovirax, dapat ay gumastos lang ako ng halos P 500 (P300 konsultasyon at P245 na generic) kung nakabili ako ng generic na gamot.
Hindi ako ang klase ng taong isinisisi lahat sa gobyerno, kaya’t naisip ko na lang na baka naman kasi kasalanan ko kaya naloko ako nung doktor na bumili ng mas mahal na branded na gamot.
Pero sayang pa rin. Hindi dapat ako nagtipid noon sa pagkain at napaayos ko dapat ng tuluyan ang bubungan naming mag-lola. Kahit anim na taon na ang nakalipas ay nakaramdam pa rin ako ng matinding hinayang dahil noong may sakit ko, ako talaga ay walang-wala.
Pero nagtataka pa rin ako. Nakapahapdi man ng bugahin, pangkaraniwang sakit lamang ito kaya’t marami ring tinamaan nito noong 2010. Paano na lang kung ang tinamaan ng bugahin ay ibang taong mas walang-wala pa kaysa sakin noong panahong ‘yon?
Kamara vs Roxas
Teddy Boy Locsin vs Mar Roxas
Matapos mag-Google pa ng kaunti, nagulat ako nang malaman kong umalma ang dating Kongresistang si Teddy Boy Locsin nang mabalitaan niya sa DZMM na ang bagong taguri kay Roxas ay “Father of Cheaper Medicines”.
“Sa gamot, naipapaba po natin ang presyo ng mga pangunahing gamot noong tayo ay senador at nasa DTI tayo,” ani Roxas sa panayam.
Buwelta ng Locsin, “Hindi, ang nagbaba ng presyo ng gamot ay si Juni Cua, Ferge Brion at, putangina, ako, si Teodoro Locsin.”
Si Cua, Brion, at Locsin, ay ang mga kongresistang unang nagpanukala ng Cheaper Medicines Act, na tinatawag noong House Bill No. 2844.
Noong una ko itong mabasa, baka naman kako naiinggit lang itong si Locsin.
Tagahanga kasi ako noong una ng Daang Matuwid. Iniisip kong baka napag-iwanan lang si Locsin kaya ito dumadaldal ngayon.
Pero nagkakakamali pala ako.
Ayon sa isang article mula sa Philippine Star, ipinilit ni Mar Roxas na tanggalin ang “generics only” na probisyon ng Cheaper Medicines Act.
Ipinilit din ni Roxas na tanggalin ang probisyon para sa “Drug Price Regulation Board (DPRB)”.
Kamara vs Roxas: “Generics Only”
Ang probisyong “Generics only” ay makikita sa Chapter 5, Section 6 ng House Bill 2844. Walang banggit dito sa Senate Bill 101 na siya namang pang-senadong bersyong isinulat ni Mar Roxas.
Kung natuloy ang probisyong “generics only”, mapipilitan ang lahat ng doktor na magreseta gamit lamang ang generic name ng mga gamot. Sa orihinal na bersyon, ipinagbabawal ang paglalagay ng brand name ng gamot sa reseta.
Pero hindi ito nangyari, dahil tinakot ni Roxas ang kongreso na hindi ipapasa ng senado ang Cheaper Medicines Act kung hindi papayag ang kongreso na tanggalin ang probisyong ito.
Naipilit ni Roxas na idagdag ang linyang "The brand name may be included [in the prescription] if so desired. (Maaaring idagdag ang brand name [sa reseta] kung nanaisin [ng doktor].)"
Sa unang tingin, parang hindi naman malaking isyu ang pangungusap na ito. Pero sa isang taong may sakit, ang opinyon ng doktor ang pinakamahalaga. Kahit isulat pa ng doktor ang generic name, ngunit inirekomenda naman ng doktor ang isang partikular na brand, iisipin ng pasyenteng mas mabisa ang branded na gamot kaysa generic.
Dahil sa linyang ito, nabibigyan ng masamang reputasyon ang mga generic drugs mas mura at kasing-bisa lang naman ng mga branded na gamot.
Kamara vs Roxas: “Drug Price Regulation Board”
Samantala, ang DPRB ay makikita sa Chapter 3 ng HB 2844. Walang banggit dito sa Senate Bill 101 na siya namang pang-senadong bersyong isinulat ni Mar Roxas.
Ang DPRB ay naglalayong magtakda ng maximum na presyo ng mahigit isang libong pangkaraniwang gamot. Gamit ang DPRB, mapabababa ng gobyerno ang presyo ng gamot dahil pagbabawalan ng DPRB ang mga drugstore na magbenta ng gamot ng mas mahal sa itinakda ng DPRB.
Pero dahil kay Roxas, walang naging “Generics only”, wala ring naging DPRB.
Ang Love Story ng mga Doktor at Med Rep
Dahil sa pagkakatanggal ng mga probisyong “Generics Only” at DPRB, maaaring paboran ng mga kurakot na doktor ang mga drug manufacturer at medical representatives (med rep) na ka-close nila.
Hindi alintana sa industriya ng pharmaceuticals na binibigyan ng mga drug manufacturer ang kanilang mga med rep ng dagdag na budget upang “ligawan” ang mga kliyente nilang doktor.
Madalas na ginagamit ng mga med rep ang pondong ito upang “i-date” ang mga doktor kapalit ng pangakong irereseta ang mga gamot na kanilang binenbenta.
“Mukhang enjoy sila sa work nila. Imagine, pag nasa big time na pharmaceutical company ka, pa-kotse raw agad. May allowance pa sa pakikipag-date sa doctors. Puro gimik, madalas e part pa rin ng work dahil kailangan magpalakas sa doktor,” ayon sa isang user sa Career and Networking Thread for Med Reps ng PinoyExchange.
“Dapat daw masanay ka na utus-utusan ng mga doctors (papahatid sa airport, papasundo, etc.),” ayon sa isa pa.
At ang pinakanakababahala…
“Daan-daang mga loyal na pasyente ang nakakasalamuha ng mga doktor buwan-buwan at isipin mo na lang kung ilang uri ng gamot ang nirereseta sa mga ito. Sinisigurado ng Med Rep na protektado ang benta nila, na tuloy-tuloy na nirereseta ng doktor ang kanilang mga gamot at hindi ang gamot ng iba. Nagmamaneho sila ng mga bagong magagandang kotse, at naglulustay sila ng pera para manlibre ng doktor. Hindi sila ang tipikal na ahente,“ sabi pa ng isa, sa wikang Ingles.
Mar Roxas, ang “Father of Med Reps”
Dahil tinanggal ni Mar Roxas ang probisyong Drug Price Regulation Board mula sa Cheaper Medicines Act, pwede kang resetahan ng doktor ng mahal na gamot na galing sa paborito niyang Med Rep, na mas pinamahal pa dahil wala namang price control.
Dahil tinanggal ni Mar Roxas ang probisyong “generics only”, mahihirapan kang maghanap ng karampatang gamot na mas mura sa nirereseta ng doktor sa iyo.
Sana man lang ay marunong mag-google ang lahat ng Pilipino para i-research ang generic name ng niresetang gamot, pero sa bansang isa sa bawat apat ay hindi nakatatapos ng high school, at sa bansang may pinakamabagal na internet sa buong ASEAN, maasahan mo ba ito?
Madalas sa mga clinic ang pagdi-dispense ng gamot na wala sa orihinal na packaging. Halimbawa, hinugot lang mula sa malaking bote o ni-repackage mula sa isang wholesale na lalagyan patungo sa isang mas maliit na botelya.
Dahil rito, mahihirapan ka ring malalaman ang generic name nito.
Ganoon ang nangyari sa akin. Pero kahit papaano’y swerte pa rin ako dahil hindi naman mabilisang nakamamatay ang shingles o bugahin.
Pero kung paano kung wala kang pera at nagkasakit ka ng high-blood (Coronary Artery Disease), Diabetes, o Pneumonia? Ito ang mga pinakapangkaraniwang sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.
Niloko na tayo sa isyu ng edukasyon, niloko na tayo sa isyu ng kriminalidad, at ngayon, niloloko pa tayo hanggang sa isyu ng kalusugan natin at ng ating mga mahal sa buhay.
Kung hindi nakialam si Roxas sa Cheaper Medicines Act, napakaraming Pilipino ang dapat ay nakabili ng gamot na makasasagip sa buhay nila.
Pero nakialam si Roxas, kaya huli na ang lahat.
Dahil kay Mar Roxas, marami nang namatay – at mas marami pang mamamatay – na mahihirap na Pilipino.
![]() |
|
Si Roxas ba ang Father of Cheaper Medicines?
Hindi maikakailang sa kabila ng pakikialam ni Roxas sa orihinal na bersyon ng RA 9502 / Cheaper Medicines Act of 2008 ay napasa pa rin ito. Ngunit ang hindi ko maintindihan ay ganito...
Si Roxas ang nagpahina ng batas, siya ang nag-promote ng mas mahal na branded na gamot, at siya pa ang nagbawas sa diskwento sa mga gamot, pero may lakas pa siya ng loob na tawagin ang sarili na "Ama ng Murang Gamot"?
Kapal din ng mukha.
Help ThinkingPinoy.com stay up!
Web content development, web maintenance, and online promotion of TP articles are expensive. Would you like to help TP spread the word?
Even as little as 50 pesos will be a great help!
Web content development, web maintenance, and online promotion of TP articles are expensive. Would you like to help TP spread the word?
Even as little as 50 pesos will be a great help!