March 18, 2016

(Explained in Plain Taglish) Ang Motion for Reconsideration sa Grace Poe DQ Case


 Matapos i-release ang desisyon ng Supreme Court sa Grace Poe vs Comelec, naghain ng 53-pahinang “Urgent Plea for Reconsideration” ang mga respondent sa kaso. Para sa kapakanan ng nakararami, narito ako para ipaliwanag ang nilalaman ng apelang ito gamit ang plain Taglish.


Ayon sa mga private respondents, mayroong walong punto sa SC decision kung saan nagkamali ang mga justices ng Supreme Court. Tara’t isa-isahin natin ito.


1: SC erred in declaring petitioner a qualified candidate.

Sinabi ng mga private respondents na ang pinag-uusapan sa Poe vs COMELEC (GR 221697) ay kung inabuso ba ng COMELEC ang kapangyarihan nito nang ikansela nito ang Certificate of Candidacy (COC) ni Grace Poe. Sa halip nito, nagdesisyon ang SC na “kwalipikado” si Poe samantalang hindi iyon ang aktwal na mosyon sa kaso.

Kailangan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) para pag-usapan ang kwalipikasyon ni Poe. Ang PET at SC ay iisa, pero ang mga hearing sa Poe vs COMELEC ay hindi dininig ng SC bilang PET. Samakatuwid, ang desisyon ay dapat tungkol sa “Grace Abuse of Discretion” ng COMELEC sa pagkansela ng COC ni Poe, at hindi sa aktwal na kwalipikasyon ng kandidato.

Iginiit ng mga private respondents na pito (7) lamang sa labinlimang SC justices ang bumoto ng pabor kay Poe kaya’t kulang pa ng isa (1) para makabuo ng mayorya. Ipinaliwanag ng mga respondents ang “tamang computation” para hanapin ang minimum na bilang ng boto para magka-mayorya:



2: SC erred in declaring that the Comelec did not have jurisdiction.

Sinabi ng SC na walang kapangyarihan ang COMELEC sa pagkansela ng COC ni Poe gamit ang residency at citizenship grounds. Sinabi ng mga private respondents na taliwas ito sa botohan dahil siyam (9) sa labinlimang (15) SC justices ay nagsabing may kapangyarihan ang COMELEC na gawin ito.

Giniit ng mga private respondents na ang desisyong ito ay magtatanggal ng kapangyarihan ng COMELEC na iginagawad ng 1987 Constitution. Maliban dito, ang desisyong ay taliwas sa desisyon sa labinlimang (15) ibang SC cases dati. Dahil sa desisyon ng SC sa Poe vs COMELEC, mare-regard na rin nating nabaligtad ang mga nasabing lumang kaso.

3: SC  erred in declaring petitioner a natural born citizen by statistical probability, presumption, and as a measure of equal protection of law/social justice.


Ayon sa desisyon ng SC, natural-born citizen si Poe dahil sa:
  1. mas malamang na oo kaysa hindi (statistical probability)
  2. tinuturing na natural born citizen ang kahit anong bata hanggang mapatunayang hindi (Citizenship by Presumption)
  3. kapakanan ng mga foundling (Equal Protection/Social Justice)

Iginiit ng mga private respondents na may eksaktong depinisyon ang “natural-born citizen” sa konstitusyon at hindi kabilang ang tatlong dahilang nabanggit ng SC.

  1. Statistical Probability - ang statistics na ginamit ni Poe ay nabanggit lang nang pahapyaw at hindi pormal na isinumite bilang ebidensiya kaya’t hindi napagtalunan ang kredibilidad o ang kabuluhan nito.
  2. Citizenship by Presumption - Walang batas na nagsasabing natural-born kaagad ang mga foundlings. Hindi raw maari ito batay sa kasong Go vs. Ramos, kung saan sinabi ng SC na ang taong nagsasabing siya ay Pilipino ay dapat magpatunay na siya talaga ay Pilipino.
  3. Social Justice – Sinabi ng mga respondent na tila sumobra ang SC nang sabihin nitong hindi makatarungan ang ating lipunan dahil lamang hindi papayagang tumakbo bilang pangulo ang isang foundling. Nilinaw ng mga respondent na ang batas na tatalakay sa citizenship ng mga foundling ay responsibilidad ng Ehekutibo o ng Lehislatura, at hindi ito sakop ng kapangyarihan ng SC, ang Hudikatura.

4: SC erred in ruling that that foundlings are natural born citizens under the 1935 Constitution.

Sabi ng SC, walang binanggit sa 1935 Constitution na nagsasabing hindi natural-born citizens ang mga foundlings. Iginiit naman ng mga respondents ang basic legal concept na “expressio unius est exclusion alterius”, na nangangahulugang “ang malinaw na pagbanggit mga bagay sa isang grupo ay maituturing na hindi pagkakasali ng iba pa”. Gamit ang konseptong ito, hindi agarang maituturing na natural-born ang mga foundlings dahil hindi kabilang ang kategorya nila sa Saligang-batas.


5: SC erred in ruling that that foundlings are natural born citizens under international law.

Ginamit ang 1961 Convention on the Reduction of Statelessness at 1930 Hague Convention para sa kaso ni Poe. Kaya lang, hindi naman pumirma ang Pilipinas sa mga convention na ito. Kahit pa sabihin signatory ang Pilipinas, wala namang Republic Act na nagbibigay-bisa ng mga ito sa ating bansa. Dahil rito, iginiit ng mga respondent na hindi magagamit ang mga batas na ito sa kaso.


6: SC  erred in declaring that re-acquisition of citizenship under ra 9225 vested natural-born status upon petitioner.

Magagamit ang RA 9225 para maipanumbalik ang citizenship kung ang pagkakawala ng citizenship ay dahil:
  1. paglisan sa armed forces
  2. pagsisilbi sa armed forces ng Allied Powers noong World War II
  3. pagsisilbi sa armed forces ng Estados Unidos
  4. pagpapakasal ng isang Pilipina sa isang banyaga
  5. political o economic necessity

Ayon sa mga respondent, wala sa lima ang dahilan ng pagtatwa ni Poe ng pagka-Pilipino. Ang RA 9225 ay sumasakop sa mga Pilipinong napilitang yumakap ng ibang citizenship. Hindi nito sakop ang tahasan at kusang-loob na pagtatwa sa pagka-Pilipino, na siyang ginawa ni Poe.


7: SC  erred in holding that petitioner complied with the ten year residence requirement.


Sinabi ng SC na malinaw na nais na ni Poe na permanenteng manirahan sa Pilipinas mula 24 Mayo 2005. Inilista ni Poe ang napakaraming iba’t ibang hakbang na susuporta dito at sinabi ng SC na kumbinsido na sila rito.

Ngunit may iginiit ng mga respondent na gamit ang RA 9225, July 2006 lang nang maging Pilipino uli sa Poe. Bago rito, isa lamang siyang temporary resident dahil non-immigrant visa ang Balikbayan Visa na ginamit niya. Ayon sa mga respondent, kabaligtaran ang naging desisyon ng SC sa tatlong kasong tulad nito:
  1. Coquilla v. Comelec; 
  2. Ongsiako-Reyes v. Comelec; at 
  3. Caballero v. Comelec; 
Nadiskwalipika ang tatlong taong nabanggit.

8: SC  erred in declaring that there was no intent to mislead as to petitioner’s natural born status and residency.


Sinabi ng SC na walang intensyong manlinlang si Poe nang sabihin niyang siya’y natural-born at legal resident ng Pilipinas ng sampung taon. Samantalang ayon sa mga respondent, sa re-acquisition ni Poe ng citizenship gamit ang RA 9225, malinaw na sinabi ni Poe na siya ay biological na anak ni Fernando Poe Jr at Susan Roces, kahit alam ni Poe na hindi ito ang tunay niyang mga magulang.

Buod lamang ito ng motion for reconsideration ng mga respondents. Para sa kabuuan ng dokumento, mangyaring suriin ang PDF copy mula sa Rappler:


Ano na?

Sa puntong ito, ang magagawa na lamang ng publiko ay maghintay.

__________


Did you like this post? Help ThinkingPinoy.com stay up! Even as little as 50 pesos will be a great help!